Now THIS is a review worth posting! Haha...hilariously honest views from no less than an Abante writer! Take note of the Beauty & the Beast comparisons. Hahaha...Thanks again Oliver!
JayR, swak na swak sa 'Footloose'
Hindi kami inantok kahit hapon ang press invitational ng Footloose the Musical nu’ng Sabado sa Meralco Theater dahil buhay na buhay ang mga production numbers nito at walang nakabubugnot na eksena.
Ang ganda ng direction ni Chari Arespacochaga at nag-shine ang buong cast ng dance musical, hindi lang ang mga bidang sina JayR at Iya Villania.
Hango sa 1983 hit movie at Broadway musical na Footloose, kuwento ito ng city boy na si Ren McCormack (JayR) na mula sa Chicago ay napilitang lumipat sa munting bayan ng Bomont kasama ang kanyang ina nang iwan sila ng kanyang ama.
Pagdating doon ay agad niyang nakabangga ang istriktong local minister na si Reverend Shaw Moore (Audie Gemora) na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang kasiyahan sa kanilang komunidad lalo na ang pagsasayaw.
Ang tanging kumokontra kay Rev. Moore ay ang rebelde niyang anak na si Ariel (Iya Villania) na kapagkuwan ay napaibig kay Ren.
Kasama ang kanilang mga kaibigan na naghahanap din ng kalayaan ay pinatunayan nila sa buong bayan na walang masama sa pagsasayaw at sa bandang huli ay naibalik nila ang saya at sigla ng kanilang munting bayan.
*********
Swak na swak kay JayR ang role niya sa musical dahil sa totoong buhay isa rin siyang balikbayan mula Amerika na piniling manirahan dito sa ‘Pinas.
Ang lakas ng stage presence ni JayR at nadala niya ang kanyang distinct R&B style kaya nagkaroon ng bagong buhay at interpretasyon ang kanyang role.
Effortless ang kanyang dance moves at napakakomportable niya sa stage kaya hindi mo iisiping ito ang theater debut ng R&B Prince.
Hindi rin mukhang first timer si Iya Villania na bukod sa malakas ang dating ay ang ganda ng boses (magkakaroon na siya ng abum sa Regal Records).
Hindi typical goody-goody girl ang karakter niyang si Ariel at ipinakita pang nakikipagharutan siya sa mga lalake at panay ang halikan nila ng bad boy BF niya at town bully na si Chuck Cranston (Jonard Yanzon).
Type na type namin ang duet nina JayR at Iya ng love theme ng Footloose na Almost Paradise na inawit nila habang kunwari ay nasa ilalim sila ng tulay na secret hideaway ni Ariel.
Okey rin ang version ni Iya ng isa pang hit song from Footloose na Holding Out For A Hero.
*********
Hindi na nakagugulat ang galing ng mga beterano ng teatro na sina Audie Gemora at Carla Martinez (ina ni Ren na si Ethel McCormack).
Kahit nakapikit ay kaya nilang gawin ito pero mararamdaman mo ang puso ng karakter nila bilang mga magulang na pilit inuunawa ang kanilang mga anak.
Na-touch kami sa karakter ni Agot Isidro-Sandejas bilang matiising asawa at ina na si Mrs. Vi Moore.
Makabagbag-damdamin ang solo number niya na Can You Find It In Your Heart. Ang ganda ng pagkakaawit dito ni Agot at in fairness ay bumagay sa kanya ang mother role kahit wala pa siyang anak in real life.
Nakatutuwa rin ang buong ensemble lalo na ang tatlong girls na kaibigan ni Ariel na sina Rusty, Urleen at Wendy Jo na ginampanan nina Caisa Borromeo, Kyla Rivera at Nikki Valdez respectively.
Ang galing ng kanilang trio, lalo na si Nikki na kuwela bilang girl na hindi lapitin ng boys. First time ding mag-teatro ni Nikki.
Ang pinakagusto naming karakter ay ang sobrang aliw na bespren ni Ren na si Willard Hewitt na ginampanan ni Giancarlo Magdangal.
Agaw-eksena ang tatanga-tangang si Will at pasok na pasok ang mga punchline niya.
Ang lakas ng tawa namin nung tanungin siya ni Ren kung anong ‘idea of fun’ ng mga lalake sa Bomont at sumagot si Will na nagmumuwestra sa kanyang kamay na tipong ‘nagbabayo’ (o nagma-masturbate)!
Dedicated sa parehong kaliwa ang paa at mama’s boy niyang karakter ang dance number na Let’s Hear It For The Boy at ang cute song number niyang Mama Says. Standout si Giancarlo dahil siya ang pinakamatangkad sa cast at siya lang ang palaging nakasuot ng cowboy hat.
Dating miyembro ng vocal group na 17:28 si Gian at ngayon ay may sarili na siyang banda na kung tawagin ay Industria. Siguradong super-proud kay Gian ang girlfriend niyang si Aiza Marquez.
*********
Ang nobyo ni Aiko Melendez na si Jonard Yanzon ang ka-alternate ni JayR sa papel ng bidang si Ren.
Kung sa Beauty and the Beast ng Atlantis Productions ay inantuk-antok kami, dito sa Footlose ng Stages ay gising na gising ang diwa namin at gusto naming makikanta’t makisayaw.
Maaari n’yo pang mapanood ang Footloose the Musical sa Meralco Theatre sa Setyembre 16, 17, 23 at 24 (8:00 PM) at Setyembre 17, 18, 24 at 24 (3:00 PM).
I'll be there this weekend! I'll be there this weekend! CAN'T WAIT! I LOVE THE PICTURES! Can't wait to see you do Let's Make Believe We're In Love, heard it wonderful...